Thursday, May 8, 2014

The speech that didn't make it :)

Alay sa Magulang 2014 at Ika-103 Pangkalahatang Pagtatapos (UP Diliman)

Although this wasn't chosen as the valedictory speech during our recognition rites, I'm still proud of myself as I am one of the valedictorians of our batch. I am eternally grateful to you Lord God! Anyway, I decided to post this because the message in this speech says it all for me. (Will try my very best to upload the English translation, too.) :D

Iskolar ng Bayan, Ngayon na!

Sa ating panauhing pandangal, Dr. Ramon Benedicto Alampay, sa ating dekana, Dr. Miguela Mena, sa ating kalihim, Dr. Edieser Dela Santa, sa ating mga propesor, sa mga mahal nating magulang, kaibigan at panauhin, sa ating magsisipagtapos, isang magandang hapon sa inyong lahat.

Sa araw na ito, ating ipinagdiriwang ang pagtanggap ng ating diploma, simbolo ng pagtatapos ng ating pag-aaral sa unibersidad na ito.  Dahil sa mga susunod na araw, atin ng tatahasin ang isang panibagong mundo, ang realidad ng buhay.  Ngunit marahil karamihan sa mga naririto ngayon ay nakapagsimula na o nakahanap na ng trabahong kanilang papasukan.  Ito man ay sa iba’t ibang sektor ng napakalawak na industriya ng turismo.  Subalit bago tuluyang matapos ang lahat, bago tayo pumasok sa panibagong mundong ito, marapat na ating balikan ang simula’t sapul na dahilan ng pagtitipong ito.  Iskolar ng Bayan, para saan ka nag-aral?

Nakakapagtaka sigurong magtanong ng ganyang bagay dahil sa napakadali nitong kasagutan.  Katulad nga ng sinabi ko kanina, marami ay nag aral upang makahanap ng magandang trabaho. Trabahong makakapagbigay ng malaking kita upang mapangtustos sa sarili at sa pamilya.  Bitbit ang diplomang nagsasabi na ‘graduate ako ng UP’, siguro ay hindi tayo mahihirapang makahanap ng trabaho, sabi nga nila.  Subalit ito lamang ba ang dahilan kung bakit ka nagtiis at naghirap mag-aral sa loob ng apat na taon, o higit pa? Tanging pera lamang ba ang dahilan? Tunay na ang ating unang isasagot ay upang kumita, upang makatulong sa ating pamilya o upang umunlad ang ating buhay.  Ngunit, aking uulitin, ito lamang ba ang dahilan kung bakit tayo nagtiyagang makatapos sa unibersidad na ito.  Kapag ba sinabi kong nag-aral ako kasi gusto kong makatulong sa bayan, may maniniwala pa ba sa akin?

In the bible it was said, to whom much is given, much is expected. We were brought up in this university constantly reminded by our professors that we are the cream of the crop.  Amidst the heavy percentages of Brackets A and B, most of our tuition fees still come from the taxpayers of the country.  Our professors despite their minimal income compared to other universities choose to stay here because they know we are different from others.  We do and study with all our might to uphold honor and excellence.  But is studying alone enough to do our part? At the end of the day, are we able to give back and do our own part in the bargain?

Mga kasama kong magsisipagtapos, ngayon na ang panahon upang tayo mismo ay umaksyon, ito man ay maliit o malaki.  Huwag na nating hintayin pang may mga buhay na mawala sa pamamagitan ng pagpatay sa sarili dahil lamang sa hindi makabayad ng pang matrikula, sa patuloy na pagsubok sa kapayapaan ng Mindanao, sa bagsik at lagim na dulot ng mga bagyong kasing lakas ni Yolanda, at maging ang mga iba pang insidente sa ating mga karatig bansa.  Huwag nating iasa lahat sa gobyerno at hintayin silang sisihin ang isa’t isa.  Iwasan nating magkibit balikat at magsawalang bahala.  Tayo mismo sa ating paraan ay umaksyon at maging handa.  Tayo ay maging handa hindi lamang sa kung paano ito malalagpasan kundi sa kung paano ito maiiwasan o mas mabuti’y maaagapan.  Tayo mismo ang umaksyon at gumawa ng kahit na maliit man o malaking bagay na makakatulong sa ating kapwa.  Panahon na upang ating panindigan ang pagiging tunay na Iskolar ng Bayan, hindi lamang sa facebook/twitter/instagram o maging sa mga tshirt na ating isinusuot, kundi sa kung paano natin magagamit ang ating isipan at kakayahan upang makatulong at makapaglingkod sa ating sariling bayan.  Ngayong taon sa pag gunita natin ng ika-150 kaarawan ni Apolinario Mabini, siya’y ating maging inspirasyon sa kanyang paggamit ng kanyang talino higit sa kanyang karamdaman makapaglingkod lamang sa bayan.

Ngunit sa araw na ito ng ating pagtatapos, panahon naman upang tayo’y magpasalamat at kumilala.
Unang una, salamat sa ating mga magulang, kaibigan at pamilya, lalo na ang aking mga magulang na sina Roehl at Rowena, aking mga kapatid na sina Raphael at Rod Rionel, pati na rin ang aking mga lola na sina Teresa at Ledesma, sa kanilang walang sawang pagsuporta at paggabay mapa pinansyal o moral man upang ating makamit ang tagumpay sa araw na ito.

Salamat din sa ating mga dakilang propesor, dahil gaano man kahirap ang buhay, sila ay nananatiling naglilingkod sa kanilang bayan at hindi nawawalan ng pag asang ibahagi ang kanilang mga karanasan at pangarap para sa ikauunlad ng ating bansa.

Salamat ng napakarami sa linangan ng turismo sa Asya sa pagtuturo sa amin ng mga realidad ng buhay.  Sa mga bagay na higit pa sa kung ano ang matatagpuan lamang sa apat na sulok na silid-aralan.

Lalong lalo na salamat sa aming pinakamamahal na Unibersidad ng Pilipinas, sa pagmulat hindi lamang sa aming isipan kundi sa aming buong kamalayan upang maging mabubuti at tapat na mamamayan.  Mga susunod na lider ng aming inang bayan.

Higit sa lahat, sa Panginoong Diyos, na patuloy sa aming nagbibigay ng lakas, biyaya at pagmamahal upang tulungan kaming lumaban at maging matatag kahit na maraming problema at balakid na dala ang hinaharap.
Muli nawa’y hindi matapos ang mga iba’t ibang paraan ng pagtulong nating lahat sa ating bayan.  Ang mga nagawa ng NSTP-CWTS sa nakaraang Voluntourism sa Bohol ay sana’y madagdagan at mas mapag igting pa sa mga susunod na panahon.  Mga kasama kong magsisipagtapos, pahalagahan natin ang ating pag-aaral at mga natutunan dito sa UP.  Tayo’y maglaan ng panahon upang maglingkod sa ikauunlad hindi lamang ng sarili kundi pati na rin ng ating bansa.  Panahon na upang ang aksyon ay magmula sa atin mismo.  Panahon upang ang mga tunay na iskolar ng bayan ay mga naglilingkod ng tapat at wasto sa bayan.

Maraming salamat at mabuhay tayong lahat!



No comments:

Post a Comment